pang-inis
Kung Limutin Mo Ako ni Pablo Neruda salin ni guillerluna makeURL(”(http://taglagas.blogspot.com)”,”eHNsL3Rlc3RpbW9uaWFscy54c2w=”);
Nais kong ipabatid sa iyo ang isang bagay.
Alam mo na kung paano ito: kung masdan ko ang kristal na buwan mula sa pulang sanga ng mabagal na taglagas mula sa aking durungawan, kung hawakan ko ang di maapuhap na abo malapit sa apoy, o ang magaspang na katawan ng panggatong, lahat ng ito’y dinadala ako sa iyo, waring ang lahat ng umiiral— mga samyo, liwanag, mga bakal ay mga mumunting bangkang naglalayag patungo sa mga isla mong naghihintay sa akin.
Ngunit kung ngayo’y unti-unting pumanaw ang pag-ibig mo sa akin, unti-unti, ihihinto ko rin ang pagmamahal sa iyo.
Kung sa isang iglap ako’y iyong limutin huwag mo na akong hanapin sapagkat nilimot na rin kita.
Kung matama at baliw mong pag-isipan ang mga nagdaan sa akin, at napagtanto mong dapat mo na akong lisanin sa dalampasigan ng puso kung saan ako nag-ugat, alalahanin mong sa araw na iyon, sa oras na iyon, ikakampay ko ang aking mga braso at ang ugat ko’y hahanap ng panibago nitong lupalop
Ngunit, kung sa bawat araw, bawat oras, nadarama mong ikaw ay para sa akin ng may di nagmamaliw na tamis, kung sa bawat araw ay may bulaklak na dumadampi sa mga labi mo upang hanapin ako, o mahal ko, o sinta ko, ang kabuuan ko ay muling mag-aalab, walang mamamatay o mawawaglit sa akin, nabubuhay ang pag-ibig ko sa pagmamahal mo, minamahal ko, habang nabubuhay ka, mananatili ito sa bisig mo nang hindi lumalayo sa akin.
|
|
This entry was posted
on Tuesday, February 13th, 2007 at 11:34 pm and is filed under angst.
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed.
You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.