Archive for September, 2006

pagunita ng pagkamatay ni Ka Fort

Thursday, September 21st, 2006

Dugo sa Isang Tasang Kape
by Alexander Martin Remollino Friday, Sep. 23, 2005 at 8:08 AM

(Sa alaala nina Ding Fortuna at Meliton Roxas, mga inutas na lider-manggagawa ng Nestle Philippines. Si Fortuna, na pinaslang noong Setyembre 22, 2005, ay humalili kay Roxas bilang pangulo ng unyon sa Nestle Philippines nang siya’y patayin noong 1989.)

Bago mo palapatin sa labi ang kapeng nagyayabang
na siya’y masarap na inuming magkakaloob
ng masarap na buhay,
isipin mo
kung ibig mo ring inumin
kung kaya mo ring lunukin
ang nasa tasa ring dugo
nina Ding Fortuna at Meliton Roxas –
mga buhay na kinitil ng dilim
sapagkat naghangad na alpasan ang gabi.