Guwapa ang Gabriela Women’s Party
Natatangi at nangungunang partido ng kababaihan
Kenneth Roland Guda
Balita
sa telebisyon isang tanghali noong nakaraang araw ang paglaban ng mga
tindera at kababaihan ng Gabriela sa demolisyon sa Cultural Center of
the Philippines Complex. Sa pagitan ng brodkas ng balita, ipinalabas
ang isang patalastas ng Gabriela, kinatatampukan ng ilang artista at
isang senador, na nanawagang iulat ng publiko sa Gabriela ang anumang
kaso ng pang-aabuso sa kababaihan. Sa gabi, tampok naman sa TV ang
palabas na “Asian Treasures” na pinagbibidahan ni Angel Locsin bilang
matapang at palabang babae. Ang kanyang pangalan: Gabriela.
Halimbawa
ang mga ito ng lawak at saklaw ng pagkakilala sa Gabriela, ang
natatangi at nangungunang koalisyon ng mga organisasyong pangkababaihan
sa bansa.
“Iniluwal ito ng 20 taong
pagkilos ng Gabrielapara sa karapatan at kagalingan ng mga kababaihan,”
paliwanag ni Cristina Palabay, Pangkalahatang Kalihim ng Gabriela
Women’s Party, ang tanging partido ng mga kababaihan sa ika-13
Kongreso. Dahil sa tuluy-tuloy na pagdadala ng mga isyu ng kababaihan
mula nang itatag, naitatak na sa isip ng publiko ang pagkakakilala sa
Gabrielabilang imahe ng kababaihang lumalaban.
Tampok sa makulay na kasaysayang ito ang nakaraang tatlong taon, nang
ang Gabriela ay sumabak sa parlamentaryong pakikibaka sa pamamagitan ng
paglahok ng Gabriela Women’s Party sa eleksiyong party-list noong 2004.
Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ipinaglaban nito ang interes ng
“babae, bata at bayan.” Nagiging bukambibig na ang palayaw na Guwapa,
ibig sabihin ay maganda o mainam, bilang tawag sa GWP.
Pakikilahok
Bilang natatanging partido ng kababaihan sa Kongreso, lumahok ang
Gabriela Women’s Party sa maiinit na usaping pampulitika. Kinatawan
nito ang tindig ng malawak na bilang ng kababaihan sa naturang mga
usapin.
Isa sa mga nanguna ang Gabriela at Gabriela Women’s Party sa pagsasampa
ng impeachment laban kay Pangulong Arroyo sa salang pandaraya sa
halalan, pagsisinungaling at panunupil sa mga kritiko niya. Sa mga
naturang reklamo, kinatawan ng Gabriela ang pulso ng mayorya ng
maralitang kababaihan. Ayon sa mga sarbey, nais ng mga ito na panagutin
si Arroyo sa mga seryosong alegasyon.
Para kay
Palabay, halimbawa ang dalawang kampanyang impeachment noong 2005 at
2006 kung paano naging aktibong kalahok ang kababaihang constituency ng
Gabriela sa mga ehersisyong pulitikal. Noong 2005, may 100 kababaihang
maralita mula sa iba’t ibang komunidad na kinikilusan ng Gabriela ang
nagbantay sa deliberasyon ng Kamara. Dito umano nila tuwirang nakita
kung paano pinilit na ikubli ng administrasyon ang katotohanang
magdidiin kay Arroyo.
“Dahil sa paglahok sa
proseso, nasasabi ng kababaihan kung paano nila sinubaybayan ang
impeachment pero wala pa ring nangyari,” ani Palabay. “Kaya natutunan
nila na dapat magpalakas pa tayo sa labas (ng Kongreso).”
Sa marami pang isyung pampulitika, sinikap ng Gabriela na direktang
isangkot ang kababaihan. Sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa
kinatawan nito, gayundin sa paglahok sa mga kilos-protesta,
pag-oobserba sa mga prosesong lehislatibo at iba pang gawain, nasasanay
ang kababaihan na makialam sa mga ehersisyong pampulitika na
nagpapagalaw sa bansa.
“Pagsasanay ang mga ito para
sa higit pang pampulitikang paglahok at pamumuno ng kababaihan sa mga
usapin (ng sektor at bayan),” paliwanag naman ni Kinatawan Liza Largoza
Maza. Bilang bukod tanging representante ng Gabriela sa Kongreso,
mabigat ang gawaing nakaatang sa balikat niya.
Malaki rin ang iniaambag ng kilusang kababaihan sa labas ng Kongreso sa
“pagpapayaman at pagpapatalas” ng gawaing lehislatibo. Halimbawa,
paliwanag ni Palabay, naging katangi-tangi ang pagsisikap ng Gabriela
na kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Dahil
ito sa mga datos at impormasyong ibinabahagi ng kababaihan sa komunidad
na pangunahing tinatamaan ng pagsirit ng mga presyo.
Nakita rin ito sa pagsusulong ng Gabriela sa imbestigasyon sa
kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa; pagtaas ng presyo ng LPG
(liquified petroleum gas); at sa kampanya para sa lehislatibong
pagtataas ng sahod ng mga manggagawa (P125) at mga kawani ng gobyerno
(P3,000).
Sabi ni Palabay, sa mga usaping
pangkababaihan tulad ng prostitusyon, mas tumining at tumalas ang
pagpapaliwanag at paglikha ng mga panukalang batas dahil sa buhay na
mga karanasang iniaambag ng kilusang kababaihan. Tampok sa isyu ng
prostitusyon ang pagsisiwalat ni Maza sa negosyong escort service, na
kung tutuusin ay isang uri ng prostitusyon. (Ang usapin, na
pinanghawakan ni Maza, ay uminit nang suportahan niya ang pagbubulgar
ng artistang si Keanna Reeves at ilunsad ang imbestigasyon ng
Kongreso.)
Siyempre, pinatingkad ng Gabriela ang
isyu ng panggagahasa kay Nicole ng mga sundalong Kano noong Nobyembre
2005 bilang usapin ng indibidwal na biktima, kababaihan at buong bayan.
Sa pagsisikap ni Maza, malawak ang nakuhang suporta ni Nicole sa mga
kongresista. Bunga nito, ang Kamara ay nag-apruba ng isang resolusyon
para igiit ni Arroyo ang pagkuha ng kustodiya ng Pilipinas sa maysalang
si Daniel Smith. Luminaw na ang kaso ni Nicole ay lantarang paglabag sa
soberanya at Saligang Batas ng Pilipinas.
Adyendang lehislatibo
“Bukod sa pagsagot sa mga usaping pampulitika, talagang may nakahandang
legislative agenda ang GWP sa Kongreso,” sabi ni Palabay. Ang adyendang
iyon ay walang pagod na ibinandila ni Maza.
Sa ika-13 Kongreso, kinilala si Maza bilang isa sa pinakamasipag na
kongresista dahil sa paghahapag niya ng samu’t saring panukalang batas
at resolusyon na pawang nagtataguyod sa mga karapatan ng kababaihan at
bata, bukod pa ang mga nauukol sa makabayan at makamamamayang
panukalang batas at mga resolusyon.
Ilan sa mga
tagumpay ng Gabriela na ipinagmamalaki ni Maza ay ang pagkakaapruba ng
Republic Act 9344 o Juvenile Justice Act; at sa RA 9262 o Anti-Violence
Against Women and their Children Act of 2004. Samantala, ilan sa mga
tampok na ipinanukalang batas sa kababaihan ng Gabriela ay ang House
Bill (HB) 4804 na nagtitiyak ng mga proteksiyon at suporta para sa mga
biktima ng prostitusyon, ang HB 4016 hinggil sa pagkakaroon ng
diborsiyo sa Pilipinas, ang pag HB 1017 na nagbibigay ng pantay na
karapatan sa mag-asawa sa mga kaso ng marital infidelity at ang
pag-amyenda sa Solo Parent Act upang matiyak ang tulong sa mga single
parents. Nagsumite rin ng mga resolusyon ang Gabriela upang ipatigil
ang pagtaas ng matrikula ng mga estudyante.
Sa
kabuuan, nakapagsumite si Maza ng 24 panukalang batas at 50 resolusyon
na may kaugnayan sa karapatan at kagalingan ng kababaihan at bata,
estudyante, migrante, nars, empleyado ng gobyerno, maralitang lungsod,
manggagawang babae; at hinggil sa pampulitikang panunupil, karapatang
pantao, VFA at soberanya ng bansa, value-added tax, at
kontraktuwalisasyon ng paggawa ng kababaihan.
Samantala, Gabriela rin ang isa sa pangunahing nangalampag para sa
pagpapatupad ng makabuluhang mga proyektong pangkababaihan, sa paggamit
ang badyet ng Gad (Gender and Development). Nakasaad sa batas ang
paglalaan ng mga ahensiya ng gobyerno ng limang porsiyento para sa mga
proyektong nagtataguyod ng mga karapatang pangkasarian. Dahil sa
reklamo ng kababaihan sa mga komunidad ukol sa kakulangan ng
pagpapatupad sa Gad, naghapag ng mga resolusyon sa loob ng Kongreso
upang siyasatin kung paano ginagamit ang Gad.
Mga proyektong sosyo-ekonomiko
Ang Gabriela ay naglunsad rin ng mga sosyo-ekonomikong proyekto sa
constituencies ng partido. Kadalasan, sa mga ordinaryong kongresista,
naipapatupad ito sa pamamagitan ng kani-kanilang PDAF (Philippine
Development Assistance Fund), o mas kilala sa bansag na pork barrel.
“Ikinakampanya namin ang pagbabasura sa PDAF dahil isa ito sa
nagtataguyod ng patronage politics,” giit ni Palabay. “Pero hanggang
nandiyan iyan, kinakailangang mapunta ito sa mga proyektong
kapaki-pakinabang sa pinakamaraming mga mamamayan.”
Kabilang sa nabenepisyuhan ng PDAF ng Gabriela ang paglalaan ng pondo
sa mga ospital at sentrong pangkalusugan para sa ating mga kababayang
maralita na napapabayaan ng gobyerno at nangangailangan ng karagdagang
pondo. Nagpatayo mga school buildings at nakapagpaayos ng mga klasrum.
Naipatayo ng Gabriela ang ilang sentrong gusali sa mga komunidad para
sa pangangalaga ng mga karapatan ng kababaihan at pagsasanay sa kanila
sa gawaing pangkabuhayan.
Hinarang ng
administrasyon ang PDAF ng Gabriela, siwalat ni Palabay. Maraming
proyekto ang nabitin. Gayunpaman, nakapaglunsad pa rin ang partido ng
napakaraming proyektong pangkababaihan, pangkalusugan at pambata, sa
pamamagitan ng mga sariling pagsisikap ng mga kababaihan na magmobilisa
ng rekurso sa labas ng Kongreso.
“Ipinakita namin
na (meron man o walang PDAF, maaaring) makapaglunsad ng mga proyekto
para sa mga kababaihan at mga mamamayan,” dagdag pa ni Palabay.
Tangkang pagsupil
Naniniwala si Palabay na ang mga tagumpay na nakamit ng Gabriela sa
Kongreso ang dahilan kung bakit natatakot sa kanila ang kasalukuyang
rehimen. Sa pamamagitan ng paninira, pananakot at pamamaslang, sinikap
nitong supilin at pahinain ang hanay ng militanteng kababaihan.
Halimbawa nito ang tangkang pagsupil diumano ng Malakanyang sa
“progresibong representasyon” sa Kamara. Nang ideklara ni Pangulong
Arroyo ang Proklamasyon 1017 noong Pebrero 24, 2006, isa si Maza sa
progresibong mga kongresista na sinampahan ng Department of Justice
(DOJ) ng kuwestiyonableng kasong rebelyon.
Kasama nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Teddy Casiño at Joel Virador,
at Anakpawis Rep. Rafael Mariano, si Maza ay kinailangang pumailalim sa
protektibong kustodiya ng Kamara para maiwasan ang ilegal na
pang-aarestong walang mandamyento, tulad ng ginawa ng DOJ kay Anakpawis
Rep. Crispin Beltran.
Tumagal ng 71 araw ang
tinaguriang “Batasan 5” bago sila nakalabas sa bisa ng pagbasura ng
korte sa walang-batayang kaso ng gobyerno. Sa loob ng panahong ito,
iginiit ng lima ang kanilang karapatan, gayundin ang karapatan ng
mahigit dalawang milyon at 200 libong bumoto sa kanila.
“Dahil sa paggigiit ng mga representanteng ito sa kanilang mga
karapatan, maraming kababaihan ang nagsabi kay Rep. Maza na naturuan
sila ng kung paano lumaban,” sabi pa ni Palabay.
Sa loob din ng panahong ito, ipinaglaban ng kababaihan si Maza at ang
kanilang karapatan. Walang patid ang pagdagsa ng mga tagasuportang
nagbantay kay Maza at sa Batasan 5 sa kabila ng bantang aresto. Sa
labas ng Kamara, nagsagawa ang Gabriela ng kampanyang “Free Our
Sisters, Free Ourselves!” para kay Maza at sa mga lider ng Gabriela na
sina Luz Ilagan, Elisa Tita Lubi at Emmi de Jesus, na isinangkot ng DOJ
sa kuwestiyonableng kasong rebelyon.
Tuloy ang laban
“Marami pang dapat gawin,” sabi ni Palabay, nang tanungin kung bakit
nagdesisyon ang Gabriela na muling sumabak sa susunod na halalan sa
Mayo. Aniya, simula pa lamang ang huling tatlong taon sa tungkulin ng
Gabriela sa gawaing parlamentaryo.
“Kaya ang tema namin sa kampanya, ‘Babae, Bata, Bayan, tuloy ang laban!’” sabi naman ni Maza.
Kabilang
sa kakaharapin ng Gabriela ang pagtutulak sa pagrepaso, kundi man
tuluyang pagbasura, sa VFA. Layon din ng partido na mas paigtingin ang
pagtataguyod ng Gabriela sa interes ng migranteng Pilipino, na ang mas
marami ay babae.
“Sa katunayan, nagpapahayag ng
pagsuporta ang maraming overseas Filipino workers (OFW) at kanilang
kapamilya sa Gabriela. Patunay rito ang pagtatayo ng mga tsapter ng
Gabriela sa ibang bansa tulad ng Hong Kong,” deklara ni Palabay.
Kung
magwawaging muli sa halalan, balak ng Gabriela na mas masusing harapin
ang polisiya ng gobyerno na nagtutulak sa mga mamamayan na mangibang
bansa para magtrabaho. Pag-iibayuhin din nito ang pangangalaga sa mga
migranteng kalimita’y inaabuso sa ibang bansa pero hindi sapat na
napngangalagaan ng gobyerno.
Sa kabila ng panunupil
at lahat ng hadlang, masasabi nina Palabay at Maza na lumawak pa nga
ang kasapian ng Gabriela Women’s Party. Kaya nga, kung noong huling
halalan, nakakuha ito ng 464,568 boto, ngayong taon ay tinatarget nito
ang mahigit isang milyong boto para makopo ang tatlong kinatawan sa
Kamara.
Pero anuman ang kahihinatnan ng halalan,
hindi matatawaran ninuman ang pamumuno at mga tagumpay ng Gabriela sa
laban ng kababaihan, bata at, siyempre, ng sambayanan.
| Mga panukalang batas ng GWP para sa kapakanan at karapatan ng kababaihan at mga bata |
|
1.
HB 1020 – Nagdedeklara sa Nobyembre 25 bilang Pambansang Araw ng
Kamalayan para sa Eliminasyon ng Karahasan sa Kababaihan. (Naipasa na
sa ikatlong pagbasa sa Kamara; ipinadala sa Senado noong Mayo 11,
2006.) 2. HB 1026 – Panukalang Nagtatakda na Lehitimo ang mga
Anak ng Di-kasal na mga Magulang. (Naipasa sa ikatlong pagbabasa;
ipinadala sa Senado noong Mayo 31, 2006.)
3. HB 1021 – Panukalang Nagbibigay ng Edukasyon sa Kasarian sa Lugar ng
Trabaho. (Ipinasa sa ikatlong pagbasa; ipinadala sa Senado noong Agosto
14, 2006.)
4. HB 1025 – Panukalang Nag-aamyenda sa Artikulo 26 ng Executive Act
No. 209, o Family Code, Pag-aamyenda sa Executive Order No. 227
5. HB 1028 – Panukalang Nagbibigay ng Hiwalay at Nakalaang Kulungan
para sa mga Babaing Preso sa Bawat Distrito, Lungsod, Piitan sa
Munisipyo, Pag-aamyenda sa Purpose Section 63 ng RA 6975
6. HB 1029 – Panukalang Nag-uutos na Magbigay ng Insentibo sa Women and
Girls Human Rights Awareness Program in Media Act of 2004 at para sa
iba pang Layunin
7. HB 1018 – Panukalang Nagbibigay ng Benepisyo sa Maternity Leave sa
mga Di-kasal na Buntis na Kababaihan na nasa Serbisyo sa Gobyerno
8. HB 1017 – Panukalang Nagbibigay ng Pantay na Karapatan sa mga
Asawang Babae at Lalaki sa Pilipinas sa Pamamagitan ng Pag-amyenda sa
Articles 333, 334 at 335, Kilala rin bilang Revised Penal Code Act No.
3815, na Inamyendahan
9. HB 1021 – Panukalang Nag-aamyenda sa Titulo Apat ng Librong Apat ng
Labor Code ng Pilipinas na Nagbibigay ng Edyukasyong Pangkababaihan at
Pangkasarian sa Lugar ng Trabaho
10. HB 1023 – Panukalang Nagsasanib ng Edukasyon sa Kababaihan, Batang
Babae at Karapatan, Pagkakapantay at Kagalingan sa Kasarian sa Lahat ng
Antas ng Pampubliko at Pampribadong Eskuwelahan (Women, Girls and
Gender Education Act of 2003)
11. HB 4016 – Panukalang Naglalatag ng Diborsiyo sa Pilipinas,
Nag-aamyenda para sa The Purpose Titulo II, Article 55 at 56 at Article
26 ng Executive Order No. 209, na Inamyendahan, o ang Family Code of
the Philippines na Nagpapawalambisa sa Artikulo 36 ng Nasabing Code, at
para sa iba pang Layunin
12. HB 4804 – Panukalang Tumitiyak ng Protektibong mga Hakbang para sa mga Biktima ng Prostitusyon
13. HB - Solo Parent Act of 2006
|
| Mga resolusyon ng GWP para sa kapakanan at kagalingan ng kababaihan at mga bata |
1.
HR 16 – Resolusyong Humihikayat kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
na Muling Pagtibayin ang Komitment ng Pilipinas sa Optional Protocol ng
United Nations Convention on the Elimination of All Forms of
Discrimination Against Women at Agarang Ipadala ang Nalagdaang Tratado
sa Senado ng Pilipinas para sa Ratipikasyon 2. HR 124 – Resolusyong
Nagtatakda sa Komite sa Kababaihan upang Magsagawa ng Agarang
Imbestigasyon, bilang Tulong sa Lehislasyon, hinggil sa Naiulat na
Paggamit ng mga Kompanyang Escort Service Bilang Prente ng Prostitusyon
at Magrekomenda ng mga Hakbang para Itigil ang Naturang mga Gawain
3. HR 160 – Resolusyong Humihikayat sa Kamara ng Pilipinas na Magbigay
ng Buong Suporta sa Agarang Pagpapatupad ng Panukalang Batas sa
Kompensasyon na Ipinasa ng House of Councilors ng Japan na Humihingi ng
Agarang Resolusyon sa mga Isyu ng mga Biktima ng Seksuwal na
Pang-aalipin noong giyera, mas Kilala bilang “Comfort Women,” na may
Layuning Tuunan ang mga Di-resolbadong Isyu ng Comfort Women
4.HR 325 – Resolusyong Nagpapahayag ng Damdamin ng Kamara upang ang 5%
ng Pondo para sa Gender and Development (Gad) ay Ganap na Mailaan at
Maipatupad ng Lahat ng Ahensiya at Lokal na Yunit ng Gobyerno para sa
mga Programa at Proyekto sa Ikabubuti ng Kababaihan, laluna ng mga
Napapabayaang Sektor sa Panahon ng Kasalukuyang Krisis-Ekonomiko at
piskal at para sa Pagtitipid ng Pambansang Gobyerno
5.HR 345 – Resolusyong Nagtatakda sa Kamara sa pamamagitan ng Komite sa
Kababaihan at Katarungan na Magsagawa ng Agarang Pag-uusisa, bilang
Tulong sa Lehislasyon, ukol sa Lumalabas na Tunguhin ng Walang-Batayang
Pagbabasura sa mga Kaso ng Karahasang Domestiko na Isinasampa sa
Department of Justice at Ilang Lokal na Korte Samantalang Dapat ay
Ipinatutupad na Mula pa Marso 2004 ang Republic Act 9262, o ang
Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at gumawa
ng mga hakbang ukol dito
6.HR 353 – Resolusyong Nagtatakda sa Kamara sa Pamamagitan ng Komite sa
Kababaihan, Kasama ang Committee on Oversight, na Usisain ang kalagayan
ng Pagpapatupad ng Iba’t ibang Ahensiya ng Gobyerno, Kagawaran,
Kawanihan, mga Instrumentalidad, Opisina, Kolehiyo at Pamantasan ng
Estado, at Lokal na Yunit ng Gobyerno sa Paglalaan ng 5% ng Badyet para
sa Gender and Development (Gad) sa Kani-kanilang Opisina, at
Magrekomenda ng Karagdagang Hakbang para Masiguro na ang mga Hakbang
para sa Gad ay Papakinabangan ng Kababaihan laluna ng mga nasa
Napapabayaang Sektor
7. HR 1410 – Resolusyong Nagtatakda sa Komite sa Kalusugan ng Kamara
upang Mag-usisa sa Lumalabas na Pagpapabaya ng mga Opisyal ng Rizal
Medical Center sa Lungsod Pasig, at ng Kagawaran sa Kalusugan, at iba
pang Pangyayaring Nauwi sa Pagkamatay ng Pitong Sanggol sa Naturang
Ospital, at Magrekomenda ng mga Hakbang para Masigurong Mananagot ang
mga Responsableng Opisyal Pangkalusugan, at upang Hindi na Maulit ang
mga Katulad na Insidente, Matiyak ang Pagbibigay ng Ligtas,
May-kalidad, Mabilis at Abot-kamay na Serbisyong Pangkalusugan sa mga
Magiging Ina at mga Magiging Sanggol Nila sa Buong Bansa. |
| Paninindigan ng Gabriela Women’s Party |
|
Ganap na naninindigan ang GWP para sa karapatan ng kababaihan upang:
1. Mamuhay sa lipunang walang paghamak at pandarahas sa babae;
2. Maging pantay sa kalalakihan sa lupang pinagyayaman; gayundin sa
pantay na karapatan sa pamamasukan at sa pasahod na nakasasapat para
mabuhay;
3. Malayang lumahok sa lahat ng diskursong pampulitika, pagkilos,
paggawa ng desisyon sa pamilya, sa komunidad at sa bansa; gayundin sa
pantay na representasyon, nang walang itinatanging kasarian, sa lahat
ng usaping panlipunan, pampulitika at pangkultura;
4. Magtamo ng mga serbisyo at kagalingang pangkalusugan, lalo na sa panganganak at pag-aaruga ng sanggol;
5. Mag-asawa batay sa malayang kagustuhan, may pantay na respeto at
dignidad, at sapat na pagtataguyod at pagkalinga sa kanilang mga
supling;
6. Maigiit ang mga pangangailangan ng mga anak tulad ng wastong
pag-aaruga, sapat na pagkain, kalingang pangkalusugan, ligtas na
kapaligiran, panahong makapaglaro; proteksiyon laban sa pang-aabuso at
pagsasamantala; magtamo ng makabayan, siyentipiko at pangmasang
edukasyon na walang kinikilingang kasarian;
7. Isulong ang kapakanan ng mga bakla at tomboy at igiit sa lipunan ang
kalayaang piliin ng isang tao ang gusto niyang kasarian;
8. Igiit at ipagtanggol ang karapatan ng bansa na magpasya sa sarili at
pangalagaan ang mga pamana o patrimonya ng lahi;
9. Magkaroon ng isang patakarang panlabas na malaya at kapakipakinabang
sa ekonomiya at seguridad ng bansa; at
10. Maitatag ang isang gobyernong tunay na demokratiko at kumakatawan sa nakararami.
|